Lumang ala-ala
Kapag buwan ng Mayo
Ni Rudy A. Arizala
01 Mayo 2008
Isang lumang liham ang natagpuan sa tampipi ni Sebia sa kanyang pinsan na si Ising. Ang kalatas ay may petsang ika 01 ng Mayo 1941. Naito ang nilalalaman.
Mahal na Kaka Ising:
Kumulog na kagabi at pumatak kaninang umaga bago magbukang-liwayway sa Silangan. Ito ang unang ulan sa buwan ng Mayo. Baka nakalimutan mong isahod ang palanggana o batiya upang ipunin ang tubig-ulan. Nalimutan mo na ba ang sabi ng mga matatanda sa una na ang unang patak ng ulan sa buwan ng Mayo ay gamot?
Tiyak rin na mayroon nang maglalako ng kabuti. Sabi rin ng mga matatanda sa una na kapag nakikidlat na at kumulog ay tiyak na susulpot o maglalabasan na ang mga kabute. Mag-ingat ka lang at baka maylahok na “payong-ahas” ang mabile mong kabute ay saktan kayo ng tiyan o malason.
Humanda ka na rin maatasan na maging “hermana mayor”. Mayohan na naman at dapat na mayroon ka nang listahan kung sino-sino ang magpaparama at magpapatapos ng “Mayohan”. Tiyak na mauubos ang mga puno ng saging ni Inang Sela upang ang mga saha nito ay gawing turokan ng mga bulaklak. Sitahin mo na ang banda ni Amang Pepe upang siyang tumugtog sa sayawan pagkatapos ng ramahan, pagaalay ng mga bulaklak at pagdadasal sa simbahan. Nais ng mga kabataan na mayroong sayawan.
Ang mga magrarama (dalaga´t binata) ay hahandaan ng may parama ng mga kakanin tulad ng “pancit”, “chicken salad”, mamon, suman, puto at sinukmani. Magsasaka na rin ang mga “hermanita” at mga “hermanito” sa mga linang (barangay ang tawag ngayon) upang manghingi ng mga bulaklak. Ma-aanit na naman ang mga bulaklakan ni Nana Petra sa Ilog, Inang Kulasa sa Pinaglapatan, Nana Tilde sa Binulasan, Inang Kaludia sa Silangan, Nana Sepa sa Anibong, Nana Epang sa Alitas, Inang Manang sa Tongohin, Inang Pinang sa Agus-agos, at Nana Sabel sa Banugaw.
Kapag buwan ng Mayo ang mga batang nag-aalay ng mga bulaklak sa Simbahan o sa altar ng may pa Santakursan ay ito ang ina-awit nila:
"Tuhog na bulaklak
Sadyang sallit-salit
Sa mahal mong noo
Ay aming ikakapit
Lubos ang pag.asa
At sa iyo ay pananalig
Na natatanggapin mo'y
Handog ng pag-ibig."
Ang buwan ng Mayo ay buwan rin ng bakasyon. Kaya´t ang mga nagsisipag-aral sa Maynila (“Nagkakaleds” ang tawag) ay babakasyon rin at magsisipag-uwian sa Infanta kahit na bako-bako, at madulas ang daan sa bundok ng Sierra Madre. Siksikan na naman sa sasakyang “Raytranco” “L.T.B.” at “E.T. Bus Co.” Halos lahat ng mga Infantahin ay babakasyon maliban doon sa mga nagsisipag-summer at nais makatapos na madali ng pag-aaral o yaong may mga “back-subjects” sapagka´t di naipasa ang eksamen noong “regular school year”. Uuwi rin ang mga “nasisipagbulakbol” sa Maynila na may suot na cinturon ng ang “hebilya” ay may mga titik na “U.P.”, “Ateneo”, “U.S.T.” Ang akala ng kanilang mga magulang ay talagang nag-aaral sila at pumapasok sa paaralan dahil sa panay-na-panay hingi nila ng pera na pambile raw ng libro at pambayad sa “tuition fee”. Ngunit lingid sa kaalaman ng kani-kanilang mga magulang ang mga anak nila pala sa Maynila ay di pumapasok at ang inaatupag ay ang pagbibilyar, pagiinom, “night club”, at ibat-ibang uri ng pag-aaliw.
Siya nga pala, baka malimutan mong manulongan kana Ate Daming na padasal o “Santakrusan”. Ang balita ko´y magbabati raw; maglilitson; magsusuman at gagawa ng kinakaw. Magdala ka na rin ng darak o ipa upang ipaglinis ng pinggan, kutsara at mga tenidor na gagamitin sa kainan. Bumile ka na rin ng gulaman bilang ambag mo o pasalubong kina Ate Daming na “Santakrusan”. Ako na ang magdadala ng sigarilyong “Abutin” para sa mga matatanda at sigrilyong “Piedmont” para sa mga binata. Magpapasadya na rin ako ng “urabay” kay Mang David upang magamit ni Kaka Imong mo sa pagbubukid sa tag-ulan. Yaon palang mga tuyong bulaklak na sinahod ni Endong sa “Osanahan” noong nakaraang Mahal na Araw ay nasaan? Mailahok sa paghahasik ng palay sa ating bukid na dalatan (Upland rice) upang huwag dagain at ohurin ang palay. Tiyak na mag-aani ng mabuti kapag may lahok na tuyong bulaklak galing sa “Osanahan”.
Hanggang sa muli at kumusta na lamang kana Tata Pedok at Nana Karing.
Ang nagmamahal mong pinsan,
Sebia
Ito ang buwan ng Mayo noong tayo ay mga bata pa sa Infanta. Ito ang takbo ng buhay, kaugalian at paniniwala sa ating bayan na ngayon ay baon na sa limot. Isa na lamang lumang ala-ala.
WAKAS